Thursday, January 22, 2009

Nagbabalik...

Nakauwi na kami. Napakabilis ng oras. Hindi halos alintana ang nagdaang panahon na nawalay ako sa amin. Salamat sa lahat ng biyaya at pagkilos ng Dios sa aming mga lakarin. Purihin ang Panginoon sa kabutihan Niya.

Friday, June 06, 2008

Hindi na magtatagal

Araw na lang ang hinihintay namin at palipad na uli kami papuntang Estados Unidos. Napakabilis ng panahon; hindi ko halos namalayan na kalahatian na pala ng taon. Siguro ganito rin kadali ang panahon pagdating sa Amerika; kalahating taon din akong mawawala dito sa 'Pinas.

Napakarami ko pang dapat asikasuhin--at ihanda. Alam kong masasabik ako sa amin pero ayaw ko namang madiskaril sa aming lakad dahil sa pangungulila kaya sisikapin kong kasabikan ang hinaharap sa malayong lupain. Ibang pamumuhay ito... malayo sa amin.

Alam kong niloob ng Panginoon na makabahagi ako sa layuning ito. Ang dalangin ko ay maging lubos akong kagamit-gamit para sa ministeryo. Salamat po, Panginoon.

Thursday, April 24, 2008

Ikaapat na Kabanata

~~
Nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo noon. Malapit nang matapos ang semestre at excited na si Nanay para sa internship ko sa darating na Summer. Gusto daw niya akong makita na nakasuot ng damit pang-opisina. Isa pa, Disyembre pa lang, planado na namin ang pagpunta namin sa Bataan. Ga-graduate na si Ate. Tuloy outing na raw namin yun. Walang mag-aakala na di na pala makikita ng Nanay ang isa man sa mga iyon.

Pebrero ng magkasakit ang Nanay. Matindi ang ubo niya. Kitang-kita ko na nahihirapan talaga siya. Minabuti naming i-confine siya sa ospital.

Sabado noon. Hindi siya makapaligo kaya pinunasan ko na lang siya. Kitang-kita ko ang bawat detalye sa mukha ng Nanay habang hinahaplos ko ng bimpo. Nakangiti siya sa akin. Nakikipagkwentuhan. Kinabukasan pagkagaling sa church, pumunta kami sa ospital. Nung hapon naglalambing pa ako sa kanya. Tinatabihan ko siya sa kama. Pinagbabalat ng prutas. Nandun lang, parang hindi dahilan na maysakit siya. Sabi kasi ng doctor mag-stay siya hanggang Wednesday. Kailangan kong umuwi ng hapong iyon kasi may gawain ang mga kabataan sa church. Sabi ko, sa pag-uwi ko na lang ng Martes uli ako babalik. Paalis na ako nun pero hindi ako halos maiwan ng tingin ng Nanay. Tandang-tanda ko yun. Hinatid niya ako ng tanaw hanggang sa maisara ang pinto ng kwarto. Malay ko naman na iyon na pala ang huling beses kong makikita ang Nanay ko na buhay.

Martes talaga ang uwi ko kaya lang pinilit kong tapusin ang project ng kapatid ko. Miyerkules ng gabi na ako nakauwi. Nung araw na yun, parang patang-pata ang katawan ko—drained. Nasa biyahe ako nun nang tumawag ang Kuya Totle, pasado alas-otso ng gabi, nasa expressway ang sasakyan.

Kuya: Nasan ka na?
Ako: Nasa daan. Pauwi na.
Kuya: Dumiretso ka na sa atin.
Ako: Oo. Kuya, pakisabi sa Nanay bukas na lang ako dadaan sa ospital, bago ako lumuwas. Di na kasi ako aabot sa visiting hours.
Kuya: Basta dumiretso ka na sa atin.


Nawala sa loob ko na dapat naman talaga na iuuwi na ang Nanay noong araw na iyon. Wala akong kaalam-alam na nang mga oras na iyon, nananaghoy na pala ang mga kapatid ko kasi kamamatay lang ng Nanay. Inatake siya. Tatlong beses. Nagka mild stroke na siya noon, pero nakaya naman niya. Halos magkangiwi-ngiwi daw ang mukha niya sa bawat pag-atake. Sabi ng mga kuya, sinabi daw nila kay Nanay na “Sige na, 'Nay.” Pati si Tatay ang sabi, "Ako na ang bahala sa mga bata." Pumanatag na ang Nanay pagkarinig sa kanila. Kasi habang nilalabanan niya, lalo siyang nahihirapan. Pinapauwi nila ako sa bahay kasi, iuuwi na nila si Nanay.

Pagod na pagod akong umuwi. Hindi ko rin maintindihan kung pakit parang nauupos ang pakiramdam ko. Malayo pa lang ay nakita ko nang maliwanag ang bahay namin. Di sumagi sa isip ko ang anumang masamang nangyari. Papasok na ako nang maulinigan kong nag-iiyakan ang mga kapatid kong bata. Sa isip ko lang, ano't diyes-oras na ng gabi e nagkakagalit pa sila? Di ko pa halos naipapasok ang sarili sa bahay ay sinalubong na ako ng Inang Tikang.

"Naku, anak, patay na ang Nanay!"

Napaupo na lang ako. Parang batang umalburoto. Hawak ko ang dalawang tsinelas at walang tigil na inihahampas sa lupa. Noon ko lang naintindihan kung ano ang pakiramdam ng isang taong mababaliw. Parang lumulutang ang isip ko. Pati ang lahat ng nasa paligid ko. Ilang beses kong narinig na patay na ang Nanay pero ayaw tanggapin ng aking katinuan. Nang idating ang Nanay, ang pakiramdam ko siya ay mainit na mainit, buhay ang katawan. Sa tingin ko nga humihinga siya. Ang lakas ng state of denial ko. Iyon ang huling bagay na inaasahan kong mangyari. Nung Sabado lang pinunasan ko ang Nanay nang nakangiti; ilang araw lang ang nagdaan, pinupunasan ko uli siya pero nananangis na ako.


May exam ako ng Sunday kaya ipinasya ng Tatay na Sabado ang libing. Kinalingguhan, lumuwas ako para kumuha ng exam. Sa semestreng iyon ako umani ng mga markang 3.0 at 4.0. Napakahirap. Parang gumuho ang mundo ko. Para akong kuting na iniligaw. Walang masulingan. Nagbago na ang lahat mula ng araw na iyon.


February 13 yun, Valentines’ eve. Dati naman akong hindi apektado ng Kaarawan ng mga Puso, pero mas lalo na itong natabunan ng dagok sa buhay namin. Basta dumarating na ang Pebrero, isa lang ang natatatak sa isip ko, kamamatayan ng aking ina.


Naging mahirap para sa amin ang mag-adjust. Araw -araw kong iniisip na paano na ngayon, wala na ang Nanay. Napakalaki pala ng kaibahan ng mundo. Pero hindi namin ito ipinahahalata sa isa’t-isa. Hindi na kumpleto ang pamilya. Naging mas mabigat din ang responsibilidad ng bawat isa. Ayaw kong isipin ng mga mas bata kong kapatid na kaawaawa na kami dahil wala na kaming Nanay. Masyado pa silang bata. Ito rin ang dahilan kung bakit sinabi ko sa sarili ko na gagawin ko ang lahat para mapagtakpan ang malaking kawalan sa aming pamilya. Sisikapin kong pasayahin sila, lalo na ang Tatay. At iyon na ang sumunod na mga kabanata ng aming buhay. Ang Panginoon ang kumalinga sa amin.

Ikatlong Kabanata

Matagal-tagal na rin nang huli akong nagpaskil ukol dito. Gayunman, sisikapin kong ituloy ang mga naudlot na kabanata.

Unang Kabanata
Ikalawang Kabanata

Halos simula pa lang ng pasukan sa ikaapat na taon sa high school nang magpasa kami ng application sa unibersidad. Nilakad ko ang certification ng mga Top 10 students para makalibre ako sa application fee. Makalipas ang ilang buwan, lumabas ang resulta: sa Maynila ako mag-aaral.

Mabuti na lang at qualified ako sa scholarship. Sa buong panahon ng pag-aaral ko, nakaka-enrol ako dahil sa scholarship. Pinakamahirap yung first time kong mag-enrol. Under processing pa kasi ang papel ko kaya by reimbursement na lang daw ang gagawin sa tuition ko. Samakatuwid, kaylangan ko pang humanap ng ilang libong pambayad ng tuition fee. Lagi kaming sabay ng pinsan ko basta usapang eskwela pwera sa araw na ito. Kasi siya may pang enroll na, ako wala pang hawak na pera. Paluwas na siya pero di ko pa alam kung saan kami hahagilap ng Nanay.

Pasado alas-sais ng umaga noon. Pumunta kami ni Nanay sa titser ko nung grade six. Kamag-anak namin sila. Sinabi ni Nanay ang sitwasyon. Agad siyang nagbigay sa amin ng pera. Malaki rin yun. Basta na lang tumulo ang mga luha ko. Wala na akong nasabi kundi, “Salamat po, Ma’am.” Napakabuti ng Dios. Ginawan na naman niya ako ng himala.

Isang karangalan ang makapasok sa unibersidad. Kaya nga rin sa palagay ko, hindi naging mahirap para sa titser ko na pahiramin kami, kasi alam niya na gusto ko talagang makapag-aral.

Nakapasok kami ng pinsan ko sa dormitoryo. Salamat uli sa Panginoon. Sa dorm, P250 ang bayad namin kada buwan. Maliit talaga kung iisipin mo; samantalang ang mga kakilala kong nasa boarding house, P1500 isang buwan lang. Sa kabila nito, may mga pagkakataon na wala talaga akong maibigay na pambayad. Kilala na nga ako ng kahera, si Ate Pines. Alam niya na ang sitwasyon ko, di ako nakakabigay sa due date pero ginagawan na niya ng paraan ang record ko para di ako ma-violation. Ganito nga ang lagi naming usapan kung araw na ng bayaran: “Ate Pines….” “O, Okay na. Kung kelan na lang meron…” Sa loob ko, naiintindihan niya rin ang kalagayan ng mga batang idinadaos lang ang makapag-aral. Salamat na lang sa mga taong ginamit ng Dios para makaraos kami.

Meron ding naglalako ng pagkain sa dormitoryo. Kahit na maraming canteen sa campus, umuuwi pa rin ako sa dorm pag oras ng kain kahit na malayo pa ang pinanggalingan kong klase. Kasi, mura lang kina Manang Tess at Manong Alex. Nakakakain ako kahit P8 lang ang pera ko—isang kanin (P3) at isang balatong (P5). Noon ko nga lang nalaman na balatong pala ang tawag nila sa ginisang munggo. Kung hindi balatong ang ulam, may sitaw at kalabasa. Meron din silang tindang tuyo, P2 ang isa. Nung magmahal ang mga gulay meals ng P11, sinasalitan ko na ng tuyo. Halos iyon ang staple food ko habang nasa dormitoryo. Pareho na nga halos ang lasa ko sa kahit anong gulay meals nila. Kaya nga rin siguro ngayon madali akong lamigin na parang may arthritis kung minsan.

Isang beses isang linggo itini-treat ko ang sarili ko ng isang meal, kung pwede. Meron din kasi silang tindang karne. Chicken barbeque ang gusto ko. Kaylangan kasing mapagkasya ang P400 na budget ko para sa buong linggo—all in. Mahirap kasi malayo ka sa bahay. Pagdating pa lang ng Lunes, itatabi ko na ang pamasahe ko pauwi. Iaalis ko na rin ang mga pampa-photocopy at iba pang panggastos para sa project. Yung matitira lang ang budget ko sa pagkain. Kaya kailangan ko talagang magtipid. Apat na taon ako sa dorm. Buong college years.

Masaya rin ang naging buhay ko sa dormitoryo kasi kasundo ko ang mga roommates ko. Alam ko niloob ng Panginoon na sila ang makasama ko. Para ko na rin silang mga kapamilya. Napakaraming drama ng buhay ang nakita ko sa loob ng apat na taon. Pero mas marami akong alaala ng masasaya.

Di ako makabili ng libro kaya nakikibasa lang ako. Minsan, nagpapa-photocopy. Kapag exam week, nag-e-extended reading ako sa main library. Bukas kasi ang library hanggang 12 midnight para sa mga estudyanteng gustong makibasa ng books sa reserve section. Bawal kasi iuwi. May classic story ako ng aking extended reading days. Uno ang midterms, 1.25 ang final exam. Final grade ko sa subject ay 1.25, kahit hindi ako bumili kahit isa sa mahigit apat na textbooks namin. Pinakamura kasi sa mga libro ay P400. Kasing halaga ng kabuhayan ko sa loob ng isang linggong pagtira ko sa Maynila. Pati naman sa ibang subjects di ako bumili ng books.

Kinakabahan din ako pag pahanon ng exams at submission ng project. Kasi samantalang nagre-review ang mga kaklase ko, ako naman, di sigurado kung may pamasahe para makaluwas. Dumating din ang panahon na kinailangan kong kausapin ang propesor ko sa isang major subject. Di kasi ako makaka-submit ng research paper ko on time. Sinabi ko sa kanya ang totoo, “Kasi Ma’am, wala pa po akong perang pang-type at pam-print.” Nahambal yata ang Prof. ko sa honesty ko, hindi niya binigyan ng minus ang late kong papel. Pagpapala yun ng Dios sa akin.

Sa awa ng Dios maluwalhati kong nairaos ang mga kurso sa aking karera.

Wednesday, April 23, 2008

Pag-ibig

Tulad ay isang bulaklak na namumukadkad
Ipinamamalas ang pagsintang mayumi at busilak
Nadaramtam ng aliwalas at karingalan
Dalisay, makulay, may buhay.

Kapara ay ibong may layang pumayagpag
Sa itaas ng alapaap na waring walang inda
Buong tapang sa pag-alimpuyo sa malawak na kawalan
Matatag, maliksi, may sigla.

Ang wangis ay munting paru-parong ligaw
Banayad sa pagkampay patungo sa talulot
Na dulot ay galak, luwalhati at pag-asa
Marilag, payapa, may pananabik.

Malalim, gaya ng dagat
Maragsa, gaya ng ilog
Masinsin, gaya ng hamog
Mapagpala, gaya ng ulan.

Di malirip ng kaunawaan
Isang hiwaga sa kaibuturan
Lubhang makapangyarihan
Gayunma’y handog na walang pag-asam.

Dakila Siyang unang umibig sa atin!
Buhay may di alintana; inihandog na sadya
Sa sinumang tumugon at sa Kanya’y sumampalataya
Walang hanggang buhay sa piling Niya ang gantimpala.

~~
Love

Like a flower in bloom
Glazed meek and pure
Clothed with glamour and splendor
Spotless, colorful, with life.


Similar to a bird that freely soars
High in the clouds without injure
Gliding with might in the vast expanse

Firm, swift, active.

With the image of a wild butterfly
Gently swaying towards the bud
With gladness, glory and hope

Lovely, peaceful, expectant.

Deep like the sea
Coarse like a river
Timid like dew

Blessed like rain.

Unfathomable
A mystery to its bosom
Immensely powerful

Though offered without repay.

Great is He who first loved us!
Without reproach gave life
That whoever responds and have faith

He shall reward with eternal life.

Friday, April 18, 2008

Tapos na

Nagawa ko na. Sinabi ko nang diretsahan kung ano ang mga kuru-kuro na naglalaro sa AMING isipan. Once and for all, matapos na talaga. Ang naganap: ayun MALI KAMI. Nakakahiya talaga at nagpara akong malisyosa. Pero mabuti na talaga na nagkalinawan. At least this time, I know where to stand. Thank you Lord. Tinawanan ko na lang.

Thursday, April 10, 2008

Ngayon

Lalo at lalo ka pa naming inaalala ngayon, Nanay. Syempre pa, mahalaga ang araw ng iyong kaarawan. Salamat sa Panginoon dahil ikaw ang aming ina. Happy Birthday po.

Wednesday, February 13, 2008

Anim na taon na...

Hi Nanay,

Ang bilis ng panahon, anim na taon na pala ang nagdaan… Nung araw na ‘yon, akala ko talaga mababaliw ako. Literal, nun ko lang naramdaman yung parang lumulutang at hinahangin ang isip. Ang hirap. Pero yon ang niloob ng Panginoon na nangyari e. Hindi lang talaga kami handa. Kahit naman yata kelan pa yon, hindi pa rin ako magiging handa.

Gaya nang lagi, miss ka namin. Ayos naman kami, ang dami nga lang nangyayari nang sabay-sabay. Ang latest, babalik ako sa States. Matagal Nay, six months. Pinagpray ko talaga na kalooban ito ng Panginoon kasi nga iyon ang magpapanatag sa akin. Kasi kung gusto ni Lord na magfulltime ako sa ministry, tiyak na di ko kaylangang intindihin ang provision; Siya ang bahala sa lahat. Nakaka-excite, at the same time, kailangan nang matinding preparation. Maraming adjustments pero bahala na si Lord.

Valentine’s Day na naman bukas. Pero alam mo naman na hindi ko masyadong pansin yung araw na yon, lalo pa ngayon; pag February ikaw talaga ang nasa isip ko. Ikaw, tapos si Inan Tikang. Birthday na uli niya sa 25, di ba? Si Ina, magtatatlong taon na rin pala. Ang bilis talaga.

Plano kong magpaalam dito ngayong February. Sana nga, paglabas na ng visa namin. In any case, dapat din talaga magsabi na ako soon.

Nay, ang ganda ng ginawang kubo ng Tatay dun sa harapan. Malaki saka mataas. Halos tapos na, pawid na lang ang kulang. Maganda lalo pag tapos na. Ang dami pa namang bulaklak sa paligid. Ginawa niyang parang bakuran.

Ang ganda sa atin. Puro bulaklak. Panahon kasi ng bulaklakan, nagkasabay-sabay. Nga pala, plano ng mga Kuya na mag-church wedding sa May. Exciting nga e. Abay si Nene at Atse. Si Jai ang kakanta; ako daw ang MC.

Sige po, gusto ko lang na sulatan ka ngayong araw na ito. Uuwi ako mamaya sa atin. Nakakatuwa yung tatlo at si Tatay; close na talaga sila.

Nay, lagi-lagi kitang iniisip. We love you.