Wednesday, October 19, 2005

Unang Kabanata.

Sa tuwing maaalaala ko ang aming buhay makaraan ang aksidente ni Tatay, hindi ko mapigilan ang mangilid ang luha. Alam ko, may kani-kaniyang pagtitiis na nangyari sa aming magkakapatid; ngunit bawat isa ay nagkaroon ng mga hindi malilimutang personal na pakikibaka. Iba-iba man ang aming karanasan, iisa lang ang resulta nito sa kabuuan. Mas kampante ako na isalaysay ang sarili kong karanasan.

~~
Anim na taon ako nang maganap ang aksidente. Ilang araw na lang at kaarawan ko na, magpipito. Papasok na sa kumpanya si Tatay; alumpihit siya sa pag-alis. Alas-kwatro y medya ng madaling-araw, pinigilan ko pa nga siya dahil gusto kong iwan niya ang baong guyabano. Paalis na si Tatay at nasa banyo ako noon sabay sigaw, “Tatay, uwian mo ako ng ensaymada, ha!” Sumagot siya. Pagkatapos noon, isang taon at kalahati na ang nagdaan bago ko uli siya nakita.

Model employee ang Tatay; abut-abot ang mga plake ng parangal sa kanya, halos taun-taon. Malaking kumpanya ang pinapasukan niya—isa sa pinakamatatag sa buong Asya at pinakamalaki sa buong bansa. Maganda ang pwesto niya at maraming oportunidad din ang nakaabang sa kanya sa trabaho. Inalok na nga siya na idestino sa ibang bansa bilang head ang bagong bukas na branch.

Nasanay kami noon na halos pinagbabalibagan lang ang mga Magnolia Chocolait. Walang palya, may stock na anim na kahon nito sa ilalim ng hagdan. Sawa-sawa kami sa mga gatas, keso, prutas, at iba pa. Magbukas ka ng ref at laging may dalawang flavors ng ice cream, buo-buong manok, iba’t-ibang klase ng palaman. May keso de bola kahit hindi Pasko. Nakaluluwag kami sa buhay. Nagbago ang lahat matapos ang umagang iyon ng Agosto.

Dito na nagsimula ang bagong kabanata sa buhay namin.

Grabe ang aksidente. Nahigop ng magnet ng tren ang sinasakyan nilang jeep na patawid sa riles. Nakaladkad ang jeep at nawasak. Nakatalon ang driver pero patay ang anim sa pitong sakay. Isa lang ang nakaligtas—agaw-buhay.

Durog ang kanang binti. Balat lamang ang nag-uugpong upang hindi sumabog ang naluray na buto at laman. Upak ang balat sa buong katawan—sa binti, braso, likod, hita—walang sukat puntahan ang dugo—lumalabas sa bibig, tenga, ilong…kahabag-habag na kalagayan. Hindi mo na iisiping makaliligtas pa ang Tatay sa pangyayaring iyon.

Agad siyang nailipat sa isang primera klaseng ospital sa Maynila, awa ng Dios. Palibhasa’y nalaman ng awtoridad na kumpanya ang sasagot sa gastos. Ang sabi ng boss niya, “Kami ang bahala; hindi ka namin pababayaan hanggang makalakad ka uli.”

May dumating na mga lalaki sa amin isang umaga. Ibinalita na sa bahay ang nangyari. Hindi ako sinabihan. Ang alam ko lang, umalis si Nanay kasama ng mga kuya at mula noon ay hindi na umuwi ang Tatay. Naiwan kami sa bahay pati ang bunso namin noon na halos anim na buwan pa lang, kasama ang tiyahin ko.

70-30. Pitumpung porsyento hindi siya makaliligtas kontra sa tatlumpo na pag-asang mabuhay. Anim na buwang walang-malay si Tatay.

Wala na yatang katapusan ang mga operasyon kay Tatay. Kinuhanan siya ng buto sa tadyang, dinurog ito at itinanim kapalit ng nadurog na buto sa binti. Hindi nabuhay. Ibang paraan pa hanggang lagyan siya ng stainless sa binti na inangkat pa sa Germany. Mabuti ang Dios. Pangalawang buhay na ni Tatay.

Lagi-lagi nang umaalis ang mga tao sa amin. Kung sinu-sino rin ang nagpupunta sa bahay. Wala akong kaalam-alam. Madalang na din kung umuwi si Nanay. Hinahanap ko ang Tatay pero wala silang sinasabi. Makalipas ang ilang buwan, saka ko lang nalaman na nasa ospital daw siya. Hindi pa masyadong naunawaan ng musmos kong isip ang implikasyon noon. Ang alam ko lang, hindi ako inuwian ni Tatay ng ensaymada.

~~

0 Comments:

Post a Comment

<< Home