Thursday, September 27, 2007

A letter to mom

27 September 2007

Nanay,

Alam mo, miss na miss na po kita. Siguro kung nandito ka ngayon, ang dami, dami, dami kong sasabihin sa iyo. Ay, tiyak pala yun, ako pa! Baka nga balikan ko yung last five years or so mula nung wala ka na. Ikukwento ko lahat ng nangyari sa atin; sa amin, sa Tatay. Naiiyak na naman ako, Nay, para nagsusulat lang naman ako sa iyo. Grabe, alam mo ba, naging sobrang iyakin na ako mula nung mawala ka na. Pero wag kang mag-alala, nakaya din namin. Akala ko nga di talaga namin kakayanin. Napakahirap. Buti na lang, alam namin na na kay Lord ka naman. Sabi nga ng mga kuya, mas mabuting magpahinga ka na kaysa mahirapan pa. Pero nalulungkot pa rin ako kasi wala ka dito.

Sa UP ako nagtatrabaho. Galing, no? Nagturo ako saglit after graduation sa LAMS, kayla Kuya sa Sta.Maria; nag-sub lang, two months. Tapos, dito na sa UP. Di ko pa nga natatapos yung ginagawa kong report, huminto lang muna ako kasi nakakatamad na. Grabe, four years na pala ako dito. Magkakasama kami nila Aidz dati, tapos, nag-iba-iba na rin kami ng office, naiwan ako dito. Pero housemates ko pa rin sila ni Teeny. Ang laki nga ng nakuha naming bahay e. Mamaya, may housewarming kami. Bisita namin mga taga UP din. Bigtime, Nay, pupunta yung mga boss namin.

Wala lang, gusto ko lang sulatan ka ngayon. Kanina gumawa din ako ng sulat para kay PC, yung kaibigan ko. Ay, nagpunta nga pala kami ng Amerika nung summer! Oo, Nay, isang buwan kami dun, yung mga youth sa MYF. Ang dami naming napuntahan. Dun ako tumira kayla PC. Ang babait nila. Blessing talaga. Eto pa, alam mo ba na nakatatlong byahe na ako abroad? Oo nga! Last year nagpunta kami sa Hong Kong. Tapos tumawid kami sa China. Nung nakaraang April-May kami nagpunta sa California. Lumapag kami sa Taiwan para magtransfer ng eroplano. Pagbalik namin dito, wala pang one week, nagpunta naman kami sa Bangkok, dito sa office. Ang saya nga e. Siyempre pa, di yata ako ang gumasta. Hehe…

Okay naman kami, kaya lang siyempre, tiyaga talaga. Ok lang, buti na lang natuto ako sa iyo ng sacrifice. Grabe, kitang-kita ko sa iyo kung ano yun. Kaya nga pag nahihirapan na ako, naiisip ko na lang, wala pa ito sa ginawa ng Nanay ko. Wag kang mag-alala, akong bahala sa Tatay. Hangga’t kaya ko nga, gumagawa ako ng paraan para lagi kaming masaya lahat. Kaming dalawa na lang ni ate ang taya, nag-asawa na rin ang kuya. Nga pala, ang dami mo nang apo! Dun pa rin ang ate sa Uni, sa Gapo yata office niya ngayon. Yung tatlo, college na lahat! Ang bilis, no? Ako nga di makapaniwala pag minsang napapaisip ako. Si Jai, isang sem na lang sa Nursing; si Atse, 3rd year na ECE; si Nene naman, first year HE. Inaayos namin ngayon ang SS ni Tatay.

Meron akong sasabihin sa iyo, Nay. Alam mo ba, kasi, kasundo ko talaga yung host namin sa States. Nung umuwi kami dito, naging kasulatan ko na siya. As in, nag-e-enjoy talaga ako na makipagsulatan, alam mo naman, para rin kasi akong nagkukuwento sa harapan pag nagsusulat ako. Kaya lang, binatang pastor kasi siya, early 50s. Sabi nila sa akin, baka daw ma-misinterpret niya ako. Alam mo na. Sayang naman, gusto ko pa naman talaga siyang kasulatan. Ang bait pa kasi. Para yatang nagdamdam dun sa sinabi ko nung huli. Biniro ko kasi, sabi ko, plano kong wag na siyang sulatan ever. Kung alam lang niya kung bakit. Sa bagay, ayaw ko rin naman na makasakit sa kanya. Kaya lang, nalulungkot talaga ako kung talagang wala na akong choice kundi i-cut ang communication namin. Feeling ko, napaka-unfair naman sa akin. Di ba, Nay? Gusto ko lang naman makipagkaibigan eh. Saka makipagsulatan. Tinuturuan pa nga niya ako sa mga teaching e. Tinuturuan ko naman siya ng Tagalog. Ang dami kasing Pinoy sa church niya. Ngayon nga, nami-miss kong magbasa ng sulat niya. Hay…

Tama na nga yan. Magtatrabaho na uli ako. Ang lakas pa naman ng ulan sa labas. Kumukulog pa. Maaga akong uuwi kasi magluluto pa ako para sa housewarming mamayang gabi.

Ang dami ko nang naiiyak. Ang galing, di nila nahalata. Automatic na kasi itong mga mata ko, basta naiisip kita. Gusto ko lang sabihin sa iyo, Nay, na mahal na mahal kita. At hanggang ngayon, ikaw pa rin ang pinakamahal ko. Sulatan kita ulit, ha?

Len