Wednesday, February 13, 2008

Anim na taon na...

Hi Nanay,

Ang bilis ng panahon, anim na taon na pala ang nagdaan… Nung araw na ‘yon, akala ko talaga mababaliw ako. Literal, nun ko lang naramdaman yung parang lumulutang at hinahangin ang isip. Ang hirap. Pero yon ang niloob ng Panginoon na nangyari e. Hindi lang talaga kami handa. Kahit naman yata kelan pa yon, hindi pa rin ako magiging handa.

Gaya nang lagi, miss ka namin. Ayos naman kami, ang dami nga lang nangyayari nang sabay-sabay. Ang latest, babalik ako sa States. Matagal Nay, six months. Pinagpray ko talaga na kalooban ito ng Panginoon kasi nga iyon ang magpapanatag sa akin. Kasi kung gusto ni Lord na magfulltime ako sa ministry, tiyak na di ko kaylangang intindihin ang provision; Siya ang bahala sa lahat. Nakaka-excite, at the same time, kailangan nang matinding preparation. Maraming adjustments pero bahala na si Lord.

Valentine’s Day na naman bukas. Pero alam mo naman na hindi ko masyadong pansin yung araw na yon, lalo pa ngayon; pag February ikaw talaga ang nasa isip ko. Ikaw, tapos si Inan Tikang. Birthday na uli niya sa 25, di ba? Si Ina, magtatatlong taon na rin pala. Ang bilis talaga.

Plano kong magpaalam dito ngayong February. Sana nga, paglabas na ng visa namin. In any case, dapat din talaga magsabi na ako soon.

Nay, ang ganda ng ginawang kubo ng Tatay dun sa harapan. Malaki saka mataas. Halos tapos na, pawid na lang ang kulang. Maganda lalo pag tapos na. Ang dami pa namang bulaklak sa paligid. Ginawa niyang parang bakuran.

Ang ganda sa atin. Puro bulaklak. Panahon kasi ng bulaklakan, nagkasabay-sabay. Nga pala, plano ng mga Kuya na mag-church wedding sa May. Exciting nga e. Abay si Nene at Atse. Si Jai ang kakanta; ako daw ang MC.

Sige po, gusto ko lang na sulatan ka ngayong araw na ito. Uuwi ako mamaya sa atin. Nakakatuwa yung tatlo at si Tatay; close na talaga sila.

Nay, lagi-lagi kitang iniisip. We love you.