Thursday, January 19, 2006

vientitres

Dalawampu’t tatlong taon na ako ngayon. Dapat kongkreto na ang mga plano ko sa buhay. Pero bakit parang nakakadama ako ng panlalamig; parang hindi ako makatiyak sa mga gusto kong gawin? Nahihintakutan baga? Siyempre, ang gusto ko ay mapaglingkuran ang aking pamilya at maitaguyod ang mga mahal ko sa buhay, pero habang tumatagal ang panahon napapaisip din ako: Paano ko magagawa iyon ngayon? Parang bigla na lang sumikip ang mundo at nahihirapan akong huminga. Binabalikan na naman ba ako ng mga alalahanin ko at mga nag-uudyok ng kawalan ng kumpiyansa? Ang hirap ng ganito; pakiramdam ko, parang ganda-dali lang ako sa lupa.

Bagong taon na, dapat sana’y naipanuto na ng payak kong isip ang aking lakarin ngayong taon. Alam kong gaano man kainam ang gawin kong pagpaplano balewale naman kung hindi ipahihintulot ng Diyos. Panginoon, tulungan po Ninyo ako! Gusto ko sanang maging mas malinaw ang lahat sa akin. Nakapanlulumo kung minsan lalo na’t alam kong nakikipaggirian sa akin ang mga pagsubok. Nakakapagod, nakakapanlupaypay…

Sana naman masagot ko na ang mga tanong na ito. Hawak ng Panginoon ang ating bukas, alam ko iyan. Ang dapat gawin ng tao ay magpasakop sa Kanya at itiwala ang lahat. Siguro, ang problema ko ay ang hindi pagtitiwala nang lubusan. Patawad po Panginoon kung gayon ang nagawa ko. Gusto ko pong ibalik Ninyo uli sa akin ang kapayapaan na lagi Ninyong ibinibigay.

Bukas, isang araw na naman ang naghihintay sa akin. Ano nga ang meron bukas? Hindi ko alam. Basta mahalaga, dapat ko itong itiwala sa Panginoon.