Wednesday, December 21, 2005

Pasko na.

Gusto ko sanang maging kakaiba ang Pasko ngayong taon kaysa sa nagdaan. Paano kaya? Pero bago ang lahat, maraming salamat sa Panginoon, may BABY BOY na kami sa pamilya. Sa wakas, may pamangkin na akong lalaki. Apat na babae, isang lalaki. Ang dami na pala.

Natutuwa ako kay Tatay, ang tatag niya talaga. Nawala man ang ilaw, matibay naman ang haligi. Salamat talaga, Tay. Kung alam mo lang, ikaw ang iniisip ko kapag gusto ko nang umayaw. Napakatatag mo kasi. Hindi ko dapat iwan sa iyo lahat ng bigat—hati tayo. Alam ko kaya natin ito wala man si Nanay.

Salamat din sa mga kapatid kong umuunawa sa akin. Lalo na sa ate, kay Jai, at sa kuya kong Pastor. Nakagagaan ng loob na nandyan kayo. Iba ang pakiramdam, parang kaya ko pa kahit pinipilit na lang.

Salamat kina Aidz at Teeny. Grabe mga kapatid, wala na akong makikita pang katulad ninyo. One of a kind talaga –para bang virus. Haha!

Kay Pastor Mark at kay Sis. Nora, at sa core team, laging nagpapaalala sa akin na masarap ang maglingkod. Hindi naman ito para sa tao, nasa langit ang reward natin.

At lalo’t higit, labis na pasalamat sa Panginoon sa napakaraming pagpapala na natanggap ngayong taon. Mapalad talaga ako at mayroon akong Dios na tapat sa akin. Thank you, Lord!

Pasko, panahon ng pagpapasalamat. Kaya nga isinusulit ko na ang paskil na ito. Next year na uli ang kasunod. Sana mas pinagpala ang darating na taon.

Balik sa aking isyu, paano ko magagawang kakaiba ang Pasko ngayon? Hindi ko pa rin maplano pero ang sigurado, sisikapin kong maging mas matalino sa aking pagdedesisyon.

MALIGAYANG PASKO AT MASAGANANG BAGONG TAON SA LAHAT!

Thursday, December 08, 2005

Pagal

Sa dibdib ko'y waring may nakatarak na punyal
Unti-unting dumidiin.
Umuugit.
Lumalalim.
Halos kapusin ako ng hininga.
Tama na.
Masakit.
Baka di ko na makaya.

Monday, December 05, 2005

Kung Alam Lang Niya

Kung gaano ko iniisip ang kalagayan niya ngayon.
Kung gaano ko sinisikap na maging daan ng kanyang kasiyahan.
Kung gaano ko iniingatan ang kanyang kahinaan.
Kung gaano ko sinisikap na lagi siyang alalayan.
Kung paano ko siya pinahahalagahan na parang hindi na iba.
Kung paano ko minabuting unawain siya.
Kung paanong hangad ko ay maabot siya ng kaligtasan.
Kung hanggang kaylan akong mananatiling tapat.

Kung alam lamang niya.