Monday, October 24, 2005

Ikalawang Kabanata.

Grade five. Malapit na naman ang bakasyon. Ano naman kaya ng raket ko ngayon? Tapos na ang panahon ng paglalako ng turon sa subdivision. Ang sakit talaga noong masagasaan ako ng bike noong nakaraang bakasyon. Ang totoo, hindi ko alintana ang sakit nang mismong aksidente, ang inalala ko, paano na ang mga paninda kong turon; nagsabog sa kalye? Maluha-luha akong umuwi at hinayang na hinayang.

Bakasyon na. Kahit na halos apat na talampakan pa lang ako, gulang labing-isa, namasukan akong tindera sa isang gotohan malapit sa ospital. Tiyahin ko ang may-ari ng pwesto pero mas mainam pa siguro kung hindi na lang. Mas naging malungkot kasi ang karanasan na alam mong kamag-anak mo pa ang pinagsisilbihan mo. Ninang ko pa; nag-iisa.

Doon ako tumira sa kanila halos buong bakasyon. Natutulog ako kasama ng iba pang mga tauhan. Gigising ng alas-singko ng umaga; uuwi ng halos alas-onse na nang gabi. Patang-pata ang katawan ko sa pagod. Walang oras nang pagkain—kung kaylan lang pwede at walang gaanong bumibili. Natatandaan ko pa sabi ng isang mamimili, “Ilang taon ka na, Ineng? Ang bata-bata [liit-liit] mo pa.” Totoo. Ako ang pinakabata sa lahat pero hindi ibig sabihin, magaan ang trabaho ko. Ganito na ang buhay ko tuwing bakasyon hanggang high school. Hindi bakasyon upang magpahinga, kundi bakasyon upang kumita.

Salamat na lang at nakakauwi pa ako kung Sabado at Linggo; hinding-hindi ko kasi ipagpapalit ang panahong inilalagi ko sa Simbahan. Napakasaya ko basta’t pauwi na ako sa amin. Ang labis na nagpapasaya sa akin ay ang makita ang Nanay. Basta nakita ko na ang Nanay ko, para bang walang anumang nangyari. Kayang-kaya niyang itago sa likod ng mga ngiti ang hirap ng kalooban na makitang may kani-kaniyang pagtitiis ang kaniyang mga anak.

Sa kabila ng sariling sikap para makapagpatuloy, nagawa ko pa ring mag-excel sa loob at labas ng klase. Taun-taon akong isinasali sa iba’t-ibang patimpalak bilang kinatawan ng aming paaralang elementarya—sa tula, talastasan, eksamen, at iba pa. Laging bida sa distrito ang aming punong-guro. Naging kasabihan din ang pangalan ko sa buong eskwelahan. Marami rin kasi akong nahakot na karangalan para dito noong panahon ko. Napakasaya ko nang pareho kong paakyatin sa entablado sina Nanay at Tatay noong araw ng pagtatapos. Valedictorian.

High School. Nakapasok ako sa kinikilalang eskwelahan sa aming probinsya. Karangalang malaki para sa aking pamilya at sa aming eskwelahan sa elementarya. Naging mahusay din ang aking performance sa high school. Consistent Honor Student. Marami akong hinawakang mga organisasyon at napangunahan ito nang mainam. Pero sa likod nito, hindi alam ng marami ang aking mga pagtitiis para makapag-aral. Mas mahirap ang buhay ko nang nasa mataas na paaralan. Pumapasok akong walang baon. Nilalakad ko lang kasi simula sa bahay papasok sa eskwela. Hindi man napakalayo pero hindi naman malapit, saka dadaan pa sa loob ng subdivision. Apat na taon na ganito. Sa tanghali, naglalakad pa rin ako papunta sa gotohan—nagtitinda ako kapag oras ng break sa school para doon na rin mag-lunch. Habang nagre-review at abala sa kani-kaniyang bagay ang mga kaklase ko, nagseserbidora ako sa mga mamimili sa gotohan--nakauniporme. Bago ang oras ng klase, aabutan ako ng tiya ko ng sampung piso.

Wala ang Nanay at Tatay ko noon sa bahay. Namasukan silang tagapangalaga ng isang private resort malayo sa amin. Stay-in. Ang naiwan lang sa bahay noon ay ako at tatlo ko pang mas nakababatang kapatid –lahat nasa elementarya. Si Kuya, lingguhan din ang uwi galing sa trabaho. Si Ate, tuwing Biyernes lang din galing sa eskwela sa kolehiyo. Ang sampung piso kong kinikita araw-araw tuwing tanghali ay ibinibili ko ng shampoo, katol, at mga kendi na pasalubong sa mga kapatid ko. Ganito na hanggang matapos ko ang sekondarya.

Napakahirap para sa akin ng kumpitensiya noong high school. Palibhasa, hindi lang naman pag-aaral ang iniintindi ko; inaasikaso ko pa ang mga kapatid ko at ang pamamasukan. Sa gabi pagdating ko, hinaharap kong lahat ang mga assignments nila pati na rin ang kakainin namin sa hapunan. Ililigpit ang lahat ng pinagkalatan. Tse-tsekin kung kumpleto ang mga kailangan sa klase. Ihahanda ang pagpasok para sa kinabukasan. Pag tulog na ang lahat, saka ko pa lamang bubuksan ang sarili kong aralin. Sa umaga, lagi akong late sa klase. Akala nila, nakagawian ko na lang ang pagiging latecomer. Hindi nila alam, ihihahanda ko muna ang mga kapatid ko at isinasayos ang pamamahay namin bago ako makaalis. Maglalakad pa ako nang malayo. May panuntunan pa naman ang klase namin na ang late ay ibibilad muna sa araw at gagawa ng sariling pila habang ang iba ay nasa loob na ng silid-aralan at pinapanood ang mga nahuli. Sinikap kong punan ang mga responsibilidad sa loob ng tahanan at hindi alintana ang nakapapagod na kalagayan.

High School Graduation. Halos madurog ng puso ko nang malamang hindi ako kabilang sa ga-graduate with honors. Inaasahan ko pa naman kasi; nag-e-excel ako both in academics and extra-curriculars. Alam din ito ng lahat. Disappointed sila nang makita ang resulta ng deliberations—lalung-lalo na ako. Ang pinakamasakit, alam kong average-wise, mas mataas pa rin ang sa akin kumpara sa pinakahuling binigyan ng medalya. Recognition day, bagama’t marami nang medalya ang naisabit ko sa aking mga magulang dahil sa iba’t-ibang awards na natanggap, hindi ko pa rin naiwasan ang umiyak. Iba pa rin kasi ang medalya ng honor student. Hindi ko malilimutan ang pag-uusap namin ni Nanay: “Sori po, sori po hindi ako naging honor…” “Ano pa bang hindi, ako nga e siyang-siya na, ilang beses mo na kaming pinaakyat sa stage.” Lalong tumulo ang mga luha ko.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home