Thursday, April 24, 2008

Ikatlong Kabanata

Matagal-tagal na rin nang huli akong nagpaskil ukol dito. Gayunman, sisikapin kong ituloy ang mga naudlot na kabanata.

Unang Kabanata
Ikalawang Kabanata

Halos simula pa lang ng pasukan sa ikaapat na taon sa high school nang magpasa kami ng application sa unibersidad. Nilakad ko ang certification ng mga Top 10 students para makalibre ako sa application fee. Makalipas ang ilang buwan, lumabas ang resulta: sa Maynila ako mag-aaral.

Mabuti na lang at qualified ako sa scholarship. Sa buong panahon ng pag-aaral ko, nakaka-enrol ako dahil sa scholarship. Pinakamahirap yung first time kong mag-enrol. Under processing pa kasi ang papel ko kaya by reimbursement na lang daw ang gagawin sa tuition ko. Samakatuwid, kaylangan ko pang humanap ng ilang libong pambayad ng tuition fee. Lagi kaming sabay ng pinsan ko basta usapang eskwela pwera sa araw na ito. Kasi siya may pang enroll na, ako wala pang hawak na pera. Paluwas na siya pero di ko pa alam kung saan kami hahagilap ng Nanay.

Pasado alas-sais ng umaga noon. Pumunta kami ni Nanay sa titser ko nung grade six. Kamag-anak namin sila. Sinabi ni Nanay ang sitwasyon. Agad siyang nagbigay sa amin ng pera. Malaki rin yun. Basta na lang tumulo ang mga luha ko. Wala na akong nasabi kundi, “Salamat po, Ma’am.” Napakabuti ng Dios. Ginawan na naman niya ako ng himala.

Isang karangalan ang makapasok sa unibersidad. Kaya nga rin sa palagay ko, hindi naging mahirap para sa titser ko na pahiramin kami, kasi alam niya na gusto ko talagang makapag-aral.

Nakapasok kami ng pinsan ko sa dormitoryo. Salamat uli sa Panginoon. Sa dorm, P250 ang bayad namin kada buwan. Maliit talaga kung iisipin mo; samantalang ang mga kakilala kong nasa boarding house, P1500 isang buwan lang. Sa kabila nito, may mga pagkakataon na wala talaga akong maibigay na pambayad. Kilala na nga ako ng kahera, si Ate Pines. Alam niya na ang sitwasyon ko, di ako nakakabigay sa due date pero ginagawan na niya ng paraan ang record ko para di ako ma-violation. Ganito nga ang lagi naming usapan kung araw na ng bayaran: “Ate Pines….” “O, Okay na. Kung kelan na lang meron…” Sa loob ko, naiintindihan niya rin ang kalagayan ng mga batang idinadaos lang ang makapag-aral. Salamat na lang sa mga taong ginamit ng Dios para makaraos kami.

Meron ding naglalako ng pagkain sa dormitoryo. Kahit na maraming canteen sa campus, umuuwi pa rin ako sa dorm pag oras ng kain kahit na malayo pa ang pinanggalingan kong klase. Kasi, mura lang kina Manang Tess at Manong Alex. Nakakakain ako kahit P8 lang ang pera ko—isang kanin (P3) at isang balatong (P5). Noon ko nga lang nalaman na balatong pala ang tawag nila sa ginisang munggo. Kung hindi balatong ang ulam, may sitaw at kalabasa. Meron din silang tindang tuyo, P2 ang isa. Nung magmahal ang mga gulay meals ng P11, sinasalitan ko na ng tuyo. Halos iyon ang staple food ko habang nasa dormitoryo. Pareho na nga halos ang lasa ko sa kahit anong gulay meals nila. Kaya nga rin siguro ngayon madali akong lamigin na parang may arthritis kung minsan.

Isang beses isang linggo itini-treat ko ang sarili ko ng isang meal, kung pwede. Meron din kasi silang tindang karne. Chicken barbeque ang gusto ko. Kaylangan kasing mapagkasya ang P400 na budget ko para sa buong linggo—all in. Mahirap kasi malayo ka sa bahay. Pagdating pa lang ng Lunes, itatabi ko na ang pamasahe ko pauwi. Iaalis ko na rin ang mga pampa-photocopy at iba pang panggastos para sa project. Yung matitira lang ang budget ko sa pagkain. Kaya kailangan ko talagang magtipid. Apat na taon ako sa dorm. Buong college years.

Masaya rin ang naging buhay ko sa dormitoryo kasi kasundo ko ang mga roommates ko. Alam ko niloob ng Panginoon na sila ang makasama ko. Para ko na rin silang mga kapamilya. Napakaraming drama ng buhay ang nakita ko sa loob ng apat na taon. Pero mas marami akong alaala ng masasaya.

Di ako makabili ng libro kaya nakikibasa lang ako. Minsan, nagpapa-photocopy. Kapag exam week, nag-e-extended reading ako sa main library. Bukas kasi ang library hanggang 12 midnight para sa mga estudyanteng gustong makibasa ng books sa reserve section. Bawal kasi iuwi. May classic story ako ng aking extended reading days. Uno ang midterms, 1.25 ang final exam. Final grade ko sa subject ay 1.25, kahit hindi ako bumili kahit isa sa mahigit apat na textbooks namin. Pinakamura kasi sa mga libro ay P400. Kasing halaga ng kabuhayan ko sa loob ng isang linggong pagtira ko sa Maynila. Pati naman sa ibang subjects di ako bumili ng books.

Kinakabahan din ako pag pahanon ng exams at submission ng project. Kasi samantalang nagre-review ang mga kaklase ko, ako naman, di sigurado kung may pamasahe para makaluwas. Dumating din ang panahon na kinailangan kong kausapin ang propesor ko sa isang major subject. Di kasi ako makaka-submit ng research paper ko on time. Sinabi ko sa kanya ang totoo, “Kasi Ma’am, wala pa po akong perang pang-type at pam-print.” Nahambal yata ang Prof. ko sa honesty ko, hindi niya binigyan ng minus ang late kong papel. Pagpapala yun ng Dios sa akin.

Sa awa ng Dios maluwalhati kong nairaos ang mga kurso sa aking karera.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home