Thursday, May 18, 2006

Kagabi.

Kagabi, mag-isa lang ako sa bahay. Nagsabi si Tepen na isasama muna niya si Teeny dahil may pinsan siyang balikbayan. Hindi na ako namalengke; nakakita ako ng kaning lamig at kalahating talong—iyon na lang ang isinangag ko at ipinrito. Solve na ang dinner.

Sabi sa text, ihahatid na lang daw si Teeny sa umagang-umaga. (Ang ideya ko nito ay mga alas-singko ng madaling-araw.) Natulog na ako bago mag-alas onse y medya. Lights off. Locked ang kwarto.

Bigla akong napabigwas dahil may narinig ako sa labas. Parang may kumakatok. Sumagot agad ako ng, “Sandali.” Sa isip ko, nandiyan na siguro sila. Binuksan ko ang ilaw. Naalala kong nakasando lang ako kaya hinablot ko agad ang tuwalya at dali-daling binuksan ang kuwarto palabas sa may pintuan ng bahay.

Nasanay na ako na hindi nagsasalita si Tepen pag kumakatok sa bahay. Binuksan ko ang pinto. Walang umiimik. Hindi ko masyadong inilaki ang awang; hinihintay ko na itulak nila ang pinto at pumasok. Wala pa ring nagbubukas. Unti-unti kong narinig ang boses ng dalawang lalaking nag-uusap sa may gate ng bahay. Iba ang boses; hindi ko kilala. Hindi rin naman ako nagsalita kaya hindi ako nakatawag ng atensyon. Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang maisip kong wala sina Tepen at Teeny. Isinara ko uli ang pinto at agad-agad na pumasok sa kuwarto upang tingnan kung anong oras na. Ala-una kuwarenta ng madaling araw. Inang ko po! Naalimpungatan ko siguro na may nagawang ingay yung dalawang lalaki sa labas kaya akala ko may kumatok. Mabuti na lang at walang nagtangkang pumasok sa bahay. Mag-isa lang ako at ako pa mismo ang nagbukas ng pintuan. Salamat na lang sa pag-iingat ng Diyos. Dagli-dagli akong bumalik sa kuwarto, nag-lock ng pinto at sinikap na bumalik sa pagtulog.
~ ~ ~

Wednesday, May 10, 2006

Abangan ang susunod na kabanata.

Malapit ko nang ituloy ang naudlot na mga kasaysayan. Nawa ay nalalapit na ang pagpapaskil nito. Abangan.