Friday, November 25, 2005

Silid 206

Sa labas ng durungawan yaring namamasdan
Larawang may ngiti nakatingin sa silangan
Mga punong nakatindig, sumasayaw sa amihan
Paa’y nakaluklok nang may payak na katiyakan.

Malawak na lupaing nabalot ng luntian
Na mga damong ligaw na malayang sumisikhay
Sa pagbuhos ng mayamang langit daig pa ang bantilan
Na lumilikha ng sapa sa umapaw na ulan.

Kawili-wiling paru-paro at samu't saring halaman
Mga giliw na kasama na hatid ay tawanan
Posisyong malaya at may kaayusan
Makapagsasarili kung mandi'y maibigan.

Mas kaibig-ibig ang larawang masid
Pang-aliw ang hatid sa pusong nasusungit
Mas payapa’ng higit sa puwang na banggit
Ngayo’y kabilang na’ng isa at di hawang-lamig.

Hay.

Wednesday, November 16, 2005

Minsan pa

Tulad ng paghawak ng pluma, ang paraan ng talastasang ito'y naging isang kawilihan na ng dalaga...May mga nabubuo nang lathalain sa kanyang isipan, gayunman, hindi pa pinagbibigyan ng pagkakataon na maisatitik niya yaon dito. Lubhang marami ang naantalang kasaysayan maging mga likha-diwa ngunit hindi niya mapunan ang pagkukulang na yaon. Sa sinumang nasumpungang maghintay, tanggapin ang aking paumanhin. Maraming salamat.

Hanggang sa muling pagtipa sa makinilya. Nananabik na rin ako....

Monday, November 14, 2005

Paruparong Bukid

Native Filipino Song

Paruparong Bukid, na lilipad-lipad,
Sa gitna ng daan, papaga-pagaspas,
Isang bara ang tapis, isang dangkal ang manggas,
Ang sayang de-kola, isang piyesa and sayad.

May payneta pa siya uy!
May suklay pa mandin uy!
Nagwas de-ohetes ang palalabasin,

Haharap sa altar at mananalamin
At saka lalakad na pakendeng-kendeng.


Taken from:
http://www.geocities.com/TheTropics/Coast/7446/Paru.htm

Thursday, November 10, 2005

Paumanhin

Maraming nagaganap sa buhay ng dalaga ngayon. Masyadong okupado ang kanyang panahon. Lalo pa sa darating na mga araw…

Wednesday, November 09, 2005

Singsing

Sa bunton ng bato na naglalakihan
Animo’y mga muog sa gilid ng batisan
Isang munting hiyas doo’y matatagpuan
Alaala ng pag-ibig na walang hangganan.

Sapagkat minsan nang yao’y naging saksi
Sa pagsintang wagas, sumpaang anong tamis
Sa kariktan ng bilog na buwan at himig ng mga kuliglig
Munting hiyas ay inialay sa palad ng iniibig.

Ngunit Aba! Ang kapalara’y biglang naging masungit
Ang kasi ay nawalay, sa libingan ay sumiping
Sa dibdib ng mutyang sawi waring balaraw ang kumitil
Lugaming puso’y minasarap pusikit na karimlan ang makapiling.

O batis, o batuhan, yamang kayo’ng tanging saksi
Naluoy na sa limot alaala ng magkasi
Mga ugat na nakagitaw sa iyong paanan ang nagtabi
Matapat na naglingap sa hiyas ng pag-ibig.

Pinay 2002

Thursday, November 03, 2005

...

Sumasakit talaga ang ulo ko; parang binibiyak.
Sabayan pa nang maraming intindihin...parang sasabog na.

Hay, talagang hindi ako mapalagay; pati yata sa computer ko na-i-transfer ko na ang pagkatuliro - confused na rin siya, ayaw mag-open. Bakit ba kasi nagkapatung-patong itong mga intindihin ko? Hirap naman, restless na ako. Para akong matutunaw isipin ko lang yung mga dapat kong gawin. Hay, nakakapraning.

Paano na ngayon? Panginoon, tulungan N'yo po ako. Hirap na ako talaga.