Thursday, April 24, 2008

Ikaapat na Kabanata

~~
Nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo noon. Malapit nang matapos ang semestre at excited na si Nanay para sa internship ko sa darating na Summer. Gusto daw niya akong makita na nakasuot ng damit pang-opisina. Isa pa, Disyembre pa lang, planado na namin ang pagpunta namin sa Bataan. Ga-graduate na si Ate. Tuloy outing na raw namin yun. Walang mag-aakala na di na pala makikita ng Nanay ang isa man sa mga iyon.

Pebrero ng magkasakit ang Nanay. Matindi ang ubo niya. Kitang-kita ko na nahihirapan talaga siya. Minabuti naming i-confine siya sa ospital.

Sabado noon. Hindi siya makapaligo kaya pinunasan ko na lang siya. Kitang-kita ko ang bawat detalye sa mukha ng Nanay habang hinahaplos ko ng bimpo. Nakangiti siya sa akin. Nakikipagkwentuhan. Kinabukasan pagkagaling sa church, pumunta kami sa ospital. Nung hapon naglalambing pa ako sa kanya. Tinatabihan ko siya sa kama. Pinagbabalat ng prutas. Nandun lang, parang hindi dahilan na maysakit siya. Sabi kasi ng doctor mag-stay siya hanggang Wednesday. Kailangan kong umuwi ng hapong iyon kasi may gawain ang mga kabataan sa church. Sabi ko, sa pag-uwi ko na lang ng Martes uli ako babalik. Paalis na ako nun pero hindi ako halos maiwan ng tingin ng Nanay. Tandang-tanda ko yun. Hinatid niya ako ng tanaw hanggang sa maisara ang pinto ng kwarto. Malay ko naman na iyon na pala ang huling beses kong makikita ang Nanay ko na buhay.

Martes talaga ang uwi ko kaya lang pinilit kong tapusin ang project ng kapatid ko. Miyerkules ng gabi na ako nakauwi. Nung araw na yun, parang patang-pata ang katawan ko—drained. Nasa biyahe ako nun nang tumawag ang Kuya Totle, pasado alas-otso ng gabi, nasa expressway ang sasakyan.

Kuya: Nasan ka na?
Ako: Nasa daan. Pauwi na.
Kuya: Dumiretso ka na sa atin.
Ako: Oo. Kuya, pakisabi sa Nanay bukas na lang ako dadaan sa ospital, bago ako lumuwas. Di na kasi ako aabot sa visiting hours.
Kuya: Basta dumiretso ka na sa atin.


Nawala sa loob ko na dapat naman talaga na iuuwi na ang Nanay noong araw na iyon. Wala akong kaalam-alam na nang mga oras na iyon, nananaghoy na pala ang mga kapatid ko kasi kamamatay lang ng Nanay. Inatake siya. Tatlong beses. Nagka mild stroke na siya noon, pero nakaya naman niya. Halos magkangiwi-ngiwi daw ang mukha niya sa bawat pag-atake. Sabi ng mga kuya, sinabi daw nila kay Nanay na “Sige na, 'Nay.” Pati si Tatay ang sabi, "Ako na ang bahala sa mga bata." Pumanatag na ang Nanay pagkarinig sa kanila. Kasi habang nilalabanan niya, lalo siyang nahihirapan. Pinapauwi nila ako sa bahay kasi, iuuwi na nila si Nanay.

Pagod na pagod akong umuwi. Hindi ko rin maintindihan kung pakit parang nauupos ang pakiramdam ko. Malayo pa lang ay nakita ko nang maliwanag ang bahay namin. Di sumagi sa isip ko ang anumang masamang nangyari. Papasok na ako nang maulinigan kong nag-iiyakan ang mga kapatid kong bata. Sa isip ko lang, ano't diyes-oras na ng gabi e nagkakagalit pa sila? Di ko pa halos naipapasok ang sarili sa bahay ay sinalubong na ako ng Inang Tikang.

"Naku, anak, patay na ang Nanay!"

Napaupo na lang ako. Parang batang umalburoto. Hawak ko ang dalawang tsinelas at walang tigil na inihahampas sa lupa. Noon ko lang naintindihan kung ano ang pakiramdam ng isang taong mababaliw. Parang lumulutang ang isip ko. Pati ang lahat ng nasa paligid ko. Ilang beses kong narinig na patay na ang Nanay pero ayaw tanggapin ng aking katinuan. Nang idating ang Nanay, ang pakiramdam ko siya ay mainit na mainit, buhay ang katawan. Sa tingin ko nga humihinga siya. Ang lakas ng state of denial ko. Iyon ang huling bagay na inaasahan kong mangyari. Nung Sabado lang pinunasan ko ang Nanay nang nakangiti; ilang araw lang ang nagdaan, pinupunasan ko uli siya pero nananangis na ako.


May exam ako ng Sunday kaya ipinasya ng Tatay na Sabado ang libing. Kinalingguhan, lumuwas ako para kumuha ng exam. Sa semestreng iyon ako umani ng mga markang 3.0 at 4.0. Napakahirap. Parang gumuho ang mundo ko. Para akong kuting na iniligaw. Walang masulingan. Nagbago na ang lahat mula ng araw na iyon.


February 13 yun, Valentines’ eve. Dati naman akong hindi apektado ng Kaarawan ng mga Puso, pero mas lalo na itong natabunan ng dagok sa buhay namin. Basta dumarating na ang Pebrero, isa lang ang natatatak sa isip ko, kamamatayan ng aking ina.


Naging mahirap para sa amin ang mag-adjust. Araw -araw kong iniisip na paano na ngayon, wala na ang Nanay. Napakalaki pala ng kaibahan ng mundo. Pero hindi namin ito ipinahahalata sa isa’t-isa. Hindi na kumpleto ang pamilya. Naging mas mabigat din ang responsibilidad ng bawat isa. Ayaw kong isipin ng mga mas bata kong kapatid na kaawaawa na kami dahil wala na kaming Nanay. Masyado pa silang bata. Ito rin ang dahilan kung bakit sinabi ko sa sarili ko na gagawin ko ang lahat para mapagtakpan ang malaking kawalan sa aming pamilya. Sisikapin kong pasayahin sila, lalo na ang Tatay. At iyon na ang sumunod na mga kabanata ng aming buhay. Ang Panginoon ang kumalinga sa amin.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home